Manila, Philippines – Lumabas sa pagdinig ngayon ng senado na hindi dapat mag-panic kaugnay sa Dengvaxia kahit pa umaabot na sa 29 ang mga batang nabakunahan nito ang naitalang nasawi.
Sa pagdinig, ay sinabi ng health expert na si Dr. Mary Ann Lansang na ang pagkamatay ng nabanggit na mga bata ay hindi pa napapatunayan na sanhi ng Dengvaxia.
Ayon kay Dr. Lansang, sa kabuuan ay safe ang nasabing bakuna, kasabay ang payo na kung magkakasakit ay agad na magtungo sa doktor na dalubhasa para malapatan ng tamang lunas.
Sa hearing ay sinabi naman ni UP-PGH health expert panel head Dr. Juliet Sio-Aguilar na sa dami ng nabakunahan ng Dengvaxia ay hindi maiwasan na ilan sa mga ito ay may sakit na talaga.
Sabi ni Dr. Aguilar, dapat isagawa ang masinsinang pagsusuri para matukoy kung may kaugnayan sa Dengvaxia ang mga nararanasang sakit ng mga batang nabigyan ng bakuna.
Pinayuhan din ni Dr. Aguilar ang lahat na panatilihin ang kalinisan sa tahanan at kapaligiran upang hindi pamugaran lamok na nagdadala ng sakit na Dengue.
Sa pagdinig ay sinabi naman ni UP-PGH Director Dr. Gap Legaspi na para maiwasan ang pagpapanic at labis na pangamba ay makabubuting iwasan ang kaliwat kanang pahayag ukol sa Dengvaxia.
Diin ni Dr. Legaspi, dapat ay magkaisa ang lahat para magkaroon ng iisang mensahe sa publiko habang isinasagawa ang imbestigasyon at pagsusuri at tamang treatment sa mga nabigan ng Dengvaxia.