Manila, Philippines – Posibleng matanggap ngayong araw ng DOH ang preliminary result ng pag-aaral ng University of the Philippines-Philippine General Hospital (UP-PGH) kaugnay sa sanhi ng pagkamatay ng 14 na batang nabakunahan ng Dengvaxia vaccine.
Ayon kay Health Usec. Enrique Domingo – nasa 19 na kaso ang ipinasuyo ng DOH sa UP-PGH panel para magsagawa ng hiwalay na pagsisiyasat kung namatay ba ang mga biktima dahil sa pagbabakuna ng Dengvaxia.
Sinabi ni Domingo, umaasa rin ang ahensya na matatanggap na rin nila ang hiwalay na report ukol naman sa bisa at ligtas na paggamit ng Dengvaxia.
Ang dalawang report ang magiging batayan ng DOH kung ipagpapatuloy ba o hindi ang paggamit ng nasabing bakuna sa immunization program.
Kasabay nito, nakuha na ng Sanofi Pasteur ang mga natitirang Dengvaxia vaccine sa Research Institute for Tropical Medicine; Philippine Children’s Medical Center at Region 4A.