Manila, Philippines – Posibleng ilabas sa susunod na linggo ang resulta ng imbestigasyon ng University of the Philippines – Philippine General Hospital (UP-PGH) ukol sa mga pinaghihinalaang namatay dahil sa Dengvaxia vaccine.
Ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary Rolando Domingo, maari nang ilabas ng UP-PGH ang kanilang findings kahit patuloy na nangangalap ng data ang ahensya sa mga posibleng namatay sa naturang bakuna.
Hawak aniya ng Up-Pgh expert panel ang 31 kaso kung saan unang batch ng mga resulta ay inilabas na noong Pebrero.
Sa first batch results, tatlo mula sa 14 na kaso ay nakitaan ng ‘causal association’ mula sa Dengvaxia.
Pero masusi itong tinitingnan ng panel kung talagang may direktang kaugnayan sa anti-dengue vaccine ang kamatayan ng mga nasabing kaso.
Kinumpirma rin ni Domingo na nasa 62 tao ang namatay matapos mabakunahan ng Dengvaxia.