Manila, Philippines – Nakatuon ngayon ang pansin ng Department of Health (DOH) sa kalusugan ng mahigit na 830,000 na mag-aaral na nabakunahan ng mapanganib na Dengvaxia ng French firm na Sanofi Pasteur.
Kasama sa pinagtutuunan ng pansin ng DOH ay ang mga nag-aalalang mga magulang at pamilya ng mga batang mag-aaral na nagkakaedad ng 9 na taon pataas.
Ginawa ni Health Secretary Francisco Duque III ang pahayag sa gitna nang umiinit na imbestigasyon patungkol sa 3.5-Bilyong piso Anti-Dengue Campaign noong kapanahunan ni dating Pangulong Benigno Aquino III.
Ayon sa kalihim kailangang kumilos upang maibsan ang pag-aalala ng mga magulang at pamilya ng mga batang nabakunahan ng Dengvaxia.
Tiniyak din ni Duque na sinumang opisyal ng kagawaran na mapatutunayang kasabwat sa kinukuwestiyong program ay haharap sa kaso at parurusahan.