Manila, Philippines – Naturukan ng Dengvaxia, ang kontrobersyal na dengue vaccine ang 14 na libong pulis nationwide.
Ito ang iniulat ni PNP General Hospital Director Reimund Sales kasabay ng pagtiyak na aktibong mino-monitor ng Philippine National Police (PNP) ang kondisyon ng mga ito.
Ayon kay Sales, sa ngayon ay wala pang nagkakasakit sa mga pulis na tinurukan ng naturang gamot na umano’y delikado para sa mga hindi pa nagkakasakit ng dengue.
Nakipagdayalogo na rin ang PNP sa mga Crame-based na pulis at nagtatag na ng help desk ang PNP para kung magkaroon ng sintomas ang mga binakunahan, pwede nilang i-report dito.
Iniulat ni Sales na ang vaccination ng mga pulis ay isinagawa noong Setyembre kasabay ng Police Service Anniversary.
Siniguro naman ni PNP Chief Ronald Bato Dela Rosa na kung may mga pulis na magkakasakit dahil sa naiturok na bakuna, ay aalagaan sila ng PNP.