Manila, Philippines – Hindi basta-basta mapapatunayan ng simpleng awtopsiya kung may kinalaman ang Dengvaxia sa pagkamatay ng mga batang nabigyan ng nabanggit na bakuna.
Ito ang sinabi ng International Health Expert na si Dr. Scott Halstead sa kanyang pagharap sa ikapitong pagdinig ng Senado ukol sa kontrobersyal na Dengvaxia.
Paliwanag ni Halstead, mahaba at kritikal ang proseso ng pagsusuri bago mapatunayan na may kinalaman nga ang Dengvaxia at hindi basta simpleng proseso ng otopsiya kagaya ng ginawa ng Public Attorney’s Office o PAO sa mga nasawing nabakunahan nito.
Sa otopsiyang ginawa ng PAO na pinangunahan ni Dr. Erwin Erfe sa mga bangkay ng mga batang nabigyan ng Dengvaxia ay natuklasan na nagkaroon ang biktima ng Viscerotopy at Neurotropy, na mga kondisyon na maihahalintulad sa kaso ng yellow fever.
Pero ayon kay Dr. Halstead, hindi rin basta maiuugnay ang Viscerotopy at Neurotropy sa Dengvaxia vaccine.
Sa hearing ay inihayag din ni Dr. Halstead, ang pagkadismaya sa isinagawang mass immunization ng Dengvaxia sa Pilipinas dahil dapat ay isinailalim muna sa blood test ang mga binakunahan ng Dengvaxia para mabatid kung zero negative ito o hindi pa nagkaka-dengue at safe sa naturang bakuna.
Sabi naman ni Blue Ribbon Committee Chairman Senator Richard Gordon, malinaw na nagpadalos dalos ang gobyerno sa pagbigigay ng Dengvaxia.
Hindi aniya katulad sa ibang bansa na naging maingat, halimbawa sa Singapore na tanging may prescription lang ng doktor ang pwedeng tumanggap ng Dengvaxia at sa Malaysia na tinapos pa ang phase 4 ng clinical trial.