Manila, Philippines – Nakatakdang iimbestigahan ng mga eksperto mula sa Philippine General Hospital (PGH) ang pagkamatay ng labing apat (14) na batang tinurukan ng anti-dengue vaccine na dengvaxia.
Ayon kay Health Undersecretary Enrique Domingo, ang mga bata na may edad siyam hanggang labing isang taong gulang ay pawang nagmula sa Central Luzon, Southern Luzon at Metro Manila.
Sinabi pa ni Domingo na aalamin ng panel of experts kung ang pagkamatay ng mga bata ay may kaugnayan sa bakuna kung saan pangungunahan ito ng pediatrics department head ng ospital na si Doctor Juliet Aguilar.
Una ng inianunsyo ni Health Secretary Francisco Duque na magko-convene ang panel ng dengue experts ng Department of Health (DOH) upang suriin ang pinakabagong ebidensya hinggil sa dengvaxia na nakalap mula sa five-year observation period sa clinical trials.
Samantala, inihayag ngayon ni Duque na iinspeksyunin ng kanilang mga tauhan ang mga lugar kung saan isinagawa ang Dengue Immunization Program.
Ito ay bilang bahagi ng kanilang mas pina-igting na pagbabantay sa mga estudyante sa pagbabalik-eskwela partikular na sa mga naturukan ng anti-dengue vaccine.