DENGVAXIA | Sanofi, hindi pa lusot sa isyu – Malacanang

Manila, Philippines – Binigyang diin ng Palasyo ng Malacanang na hindi dapat maging kampante ang Sanofi Pasteur sa issue ng Dengvaxia o Anti-Dengue Vaccine.

Ito ang sinabi ng Malacanang sa harap na rin ng pagtanggi ng Sanofi na i-reimburse ang buong ginastos ng gobyerno sa Dengvaxia at pagbuo sa indemnity fund matapos lumabas ang resulta ng pag-aaral ng UP-PGH Expert Panel na wala umanong kinalaman ang Dengvaxia sa pagkamatay ng mga bata na naturukan ng nasabing vaccine.

Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, hindi ibig sabihin ng resulta ng pag-aaral ng UP-PGH Expert panel ay ligtas na ang Sanofi sa anumang kaso dahil marami pa itong posibleng pananagutan.


Paliwanag ni Roque, maraming imbestigasyon na umaandar kaugnay sa nasabing issue at nagsampa din aniya ng election offense ang VACC at nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang Senado at ang Kamara pati na ang NBI at ang DOJ.
Tila aniya ay nananaginip ang Sanofi kung iniisip nilang lusot na sila sa mga asunto o kaso dahil sa kanilang vaccine.

Binigyang diin ni Roque na hindi dapat maglabas ng anomang konklusyon ngayon dahil hanggang sa ngayon ay wala pang resulta ang imbestigasyon ng NBI na magsasabi kung sino ang responsable.

Facebook Comments