Manila, Philippines – Pinamamadali ni Senator Sherwin Gatchalian ang supplemental budget na gagamitin sa pagtulong sa mahigit 800 libong mga bata na binakunahan ng Dengvaxia.
Sabi ni Gatchalian, tama ang payo ni Blue Ribbon Committee Chairman Senator Richard Gordon kay Health Secretary Francisco Duque na madaliin ang request para sa supplemental budget.
Ayon kay Gatchalian, kailangang maaprubahan na ng kongreso ang nabanggit na pondo bago mag-adjourn ang kanilang session sa Marso 23.
Ang naturang budget ay maaring kunin sa nakalagak ngayon sa National Treasury na P1.16 billion na isinauli ng Sanofi Pasteur para sa mga hindi nagamit na Dengvaxia vials.
Matutugunan ng nasabing pondo ang inihayag ni Secretary Duque sa pagdinig ng Senado na kailangan ng P325 million pesos pambili ng medical kits na ipapamahagi sa mga naturukan ng Dengvaxia.
Ang nabanggit na medical kits ay maglalaman ng insect repellent, sabon, gamot sa lagnat, multi-vitamins at thermometer.