Manila, Philippines – Kinumpirma ng Philippine National Police General Hospital na nagkasakit ang 61 mga pulis na naturukan ng Dengvaxia.
Ayon kay Senior Supt. Reimound Sales, Chief ng PNP General Hospital, as of March 1, nasa 61 na ang mga pulis na nagpakunsulta sa kanila matapos na maturukan ng Anti-Dengue Vaccine.
Karamihan aniya sa mga ito ang may sintomas ng pananakit ng katawan, ubo’t sipon at lagnat.
Pero, patuloy ang pag-monitor nila sa kondisyon ng mga ito upang matukoy kung direktang may koneksyon sa Dengvaxia ang kanilang kondisyon.
Kaugnay nito, isang utility worker naman ng PNP General Hospital na naturukan ng Dengvaxia ang nasawi matapos magka-pneumonia.
Kinilala itong si John Rey Pintor na nitong nakalipas na buwan ng Disyembre nang nakalipas na taon naturukan ng Dangvaxia na unang dumaing na pamamaga ng lalamunan at pananakit ng katawan bago namatay.
Sa kabuuan, nasa 4, 445 ng PNP personnel ang naturukan ng Dengvaxia sa lahat ng Regional Health Service sa bansa.
442 dito ay galing sa Region 1, 524 mula sa Region 3 at 539 sa Region 4.
Habang aabot naman sa 1,319 na mga pulis ang naturukan sa NCRPO, 297 sa ARMM, 388 sa SAF, 12 sa Aviation Security Group at 934 sa PNP-General Hospital.