DENR, aminadong may butas sa MOA ng ahensya sa Masungi Georeserve

Inamin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na may nalabag na mga probisyon sa Saligang Batas ang Memorandum of Agreement (MOA) ng DENR sa Blue Star Construction and Development Corporation o ang Masungi Georeserve.

Partikular ang pinasok na MOA noong 2017 ni yumaong DENR Secretary Gina Lopez sa Blue Star.

Sa naturang kasunduan din sinisisi kung bakit nabawasan ng kalahati ang Dumagat-Remontado ancestral domain.


Ayon kay Environment Legal Affairs Service Director Norlito Eneran, gumawa na rin sila ng rekomendasyon kay Environment Secretary Antonia Yulo-Loyzaga para sa pagkansela sa MOA.

Sinabi pa ni Eneran na ang 2017 agreement ay hindi garantiya na mapo-protektahan ang kalikasan at ang mga katutubo sa lugar.

Iginiit naman ni Enrico Vertudez, pinuno ng “Kaksaan Ne Dumaguet De Antipolo” na kung mayroon mang tunay na nagmamalasakit sa watershed area o sa Upper Marikina River Protected Landscape, ay sila ‘yon na mga katutubo at hindi ang construction companies.

Una na ring inihayag ni Justice Secretary Crispin Remulla na labag sa Konstitusyon ang naturang kontrata ng DENR at Masungi.

Magugunitang una nang ibinunyag ng mga katutubong Dumagat-Remontado na 408 hectares kada taon ang nababawas sa naturang watershed area dahil sa iligal na pagpuputol ng mga puno, pagtatayo ng residential subdivisions at commercial establishments.

Facebook Comments