Aminado ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na nagkaroon sila ng kaunting pagkukulang matapos dagsain ng tao ang Dolomite Beach nitong weekend.
Ayon kay DENR Undersecretary Benny Antiporda, nagkulang nang bahagya ang kagawaran sa paghihigpit pero agad naman nila itong naagapan.
Nagpatupad agad aniya sila ng five minutes rule kung saan pinapakiusapan ang mga nauna sa Dolomite Beach na pagbigyan ang mga nakapila at hindi pa nakapasok sa area.
“So tuluy-tuloy po, nagkaroon po ng sistema hanggang magsara po ito noong Sunday ng 6 o’clock. So naagapan naman po ‘no but sad to say mayroon po tayong ilang mga kapatid sa media na nakunan ng litrato iyon pong time na dumami iyong tao dahil umulan po at that time ‘no. So again hindi ho natin puwedeng sabihin na hindi po tayo nagkulang – nagkulang nang kaunti pero naagapan po,”
Nilinaw rin ni Antiporda na walang lapses sa communication dahil ang pinagbasehan ng DENR ay ang impormasyong pwede ang mga bata basta open air kaya pinayagan sa Dolomite beach.
“So since this is an open area eh pinayagan po iyong mga bata – but nakita po nating crowded, immediately kahapon po nag-decide po ‘no… nag-decide po kahapon sa meeting na sinasabing ipagbawal na iyong mga bata ano – weekdays or weekends ‘no,”
Una nang sinabi ni Antiporda na ipagbabawal na sa Dolomite Beach ang mga 11 pababa.