Magkatuwang ang Department of Environment and Natural Resources o DENR at Cagayan Economic Zone Authority (CEZA) upang matiyak na mabibigyan ng proteksiyon at maisalba sa pagkasira ang Nangaramoan Beach na matatagpuan sa probinsiya ng Cagayan Valley.
Sa ilalim isang memorandum of agreement, bubuo ng Nangaramoan Comprehensive Area Development and Management Plan.
Aasa ang CEZA sa technical inputs ng DENR para sa pagpapaunlad ng plano na siya rin aniyang gagawing “blueprint” upang matiyak ang preserbasyon ng likas na yaman, biodiversity at cultural heritage ng Nangaramoan Beach.
Kilala ang Nangaramoan Beach dahil sa pagkakaroon nito ng malinis na tubig at pinong buhangin na maaaring maikumpara sa world-famous Boracay Island.
Ito ay matatagpuan sa bayan ng Santa Ana na nasasakupan ng Cagayan Special Economic Zone and Freeport na pinamamahalaan ng CEZA.
Noong Oktubre 2017 nang ipasara ng CEZA, sa pakikipagtulungan ng DENR at lokal na pamahalaan ng Santa Ana, ang 500-meter long white sand beach dahil sa hindi pagtupad ng mga resort owners dito sa environmental regulations at sanitation standards.