DENR at DPWH, doble kayod para tapusin ang widening and dredging operations sa Marikina River

Puspusan ngayon ang ginagawang pagpupursige ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Public Works and Highways (DPWH) para tapusin ang Phase 2 ng Marikina River Rehabilitation Project sa ilalim ng Task Force Build Back Better.

Ayon sa DENR, sakop ng proyektong ang mga lugar ng Barangay Santolan, Manggahan, at Rosario sa Pasig City na pawang konektado sa Marikina River.

Paliwanag ng DENR, layon ng Marikina River Rehabilitation Project na mapalawak at maibalik ang orihinal na lalim ng ilog.


Sa pamamagitan umano nito, naniniwala ang ahensya na mas malaking kapasidad na ng tubig ulan ang maaring dumaloy rito at maiiwasan na rin ang matinding pagbaha na maaring idulot ng malalakas na pag-ulan.

Matatandaan na noong July 21, 2021, natapos na ang Phase 1 ng Marikina River Rehabilitation Project na mula sa mga Barangay ng Barangka, Calumpang, at Industrial Valley Sa Marikina City.

Kapwa Co-Chair ang DENR at DPWH ng Task Force-Build Back Better, na isang Inter-Agency Body na nilikha ni Pangulong Rodrigo Duterte upang tutukan ang Post-Disaster Rehabilitation and Recovery Efforts ng pamahalaan sa mga typhoon-hit areas gaya ng Metro Manila, Cagayan, at Bicol Region.

Facebook Comments