Binigyan ni Environment Secretary Roy Cimatu ng hanggang Disyembre ngayong taon ang Inter-Agency Task Force para linisin ang Bangkulasi River sa Navotas City na isa sa maruming ilog na dumadaloy patungo sa Manila Bay.
Ayon kay Cimatu, kailangang magpakita ang mga nangangasiwa sa river system ng malaking pagbabago sa ilog hanggang Disyembre upang mabawasan ang fecal coliform level sa Manila Bay sa katapusan ng taon.
Sinabi naman ni DENR Undersecretary for Solid Waste and Local Government Units Concerns Benny Antiporda na plano nilang gumamit ng ilang interventions para maiwasang pumasok ang mga basura sa ilog.
Nagbanta din ito na maglalabas ng cease and desist order ang DENR sa mga establisimiento sa paligid ng ilog na walang sewage treatment plants.
Anya, kailangan lamang na makipagtulungan sa kanila ang mga negosyante sa Navotas City upang agad mabigyang solusyon ang problema.