DENR, dapat bumuo ng plano kung paano itatapon ang mga gamit na hiringilya, karayom, at vials na ginamit sa pagbabakuna kontra COVID-19

Iginiit ni Senador Francis Tolentino sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na bumuo nang malinaw na plano kung paano itatapon ang milyon-milyong vials, hiringilya, at karayom na ginamit sa pagbabakuna kontra COVID-19.

Sabi ni Tolentino, kung idagdag pa ang inaasahang booster ng COVID 19 vaccines ay aabot sa 210 million ang vials, hiringilya, at karayom.

Sa budget hearing ay nagpahayag ng pangamba si Tolentino na posibleng banta sa kalusugan ng mga Pilipino sakaling mapabayaan ang mga ginamit na karayom at hiringilya.


Ayon kay Tolentino, biomedical waste na matatawag ang mga ito, pero hanggang ngayon ay wala pa siyang nakikita kahit isang treatment facility na tumututok para masigurong maayos na maitatapon ang mga ito.

Paliwanag naman ni DENR Undersecretary Benny Antiporda, inaayos na sa mismong lugar pa lamang ang mga gamit hiringilya at karayom na galing sa mga ospital.

Sabi ni Antiporda, nilalagyan ito ng kemikal bago dalhin sa Treatments, Storage, and Disposal (TSD) facility.

Pero paalala naman ni Senator Cynthia Villar, hindi sa ospital kundi sa mga barangay na ginawang vaccination sites ginagawa ang pagbabakuna.

Punto ni Villar, baka magkasakit ang mga hahakot ng basura dahil sa nabanggit na mga kontaminado at mapanganib na medical wastes.

Hirit ni Villar sa DENR, pag-aralang mabuti ang dapat nitong hakbang para matiyak na maitatapon ng tama ang mga medical wastes na bunga ng pandemya.

Facebook Comments