
Nag-isyu ng cease and desist order ang Department of Environment and Natural Resources – Environmental Management Bureau (DENR-EMB) laban sa Green Leap Solid Waste Management Inc. kasunod ng nangyaring trash slide nitong Biyernes, February 20 sa Rodriguez.
Isang katao ang napaulat na nasawi habang dalawa pa ang patuloy na pinaghahanap.
Batay sa inilabas na CDO ng kagawaran, ipinag-uutos ang agarang pagpapatigil sa operasyon ng Phase 5 ng sanitary landfill at pagpapatupad ng no-entry policy sa lugar upang maprotektahan ang publiko at maiwasan ang panghihimasok sa nagpapatuloy na search and rescue operations.
Lumabas sa follow-up investigation na may ilang paglabag sa operasyon ng landfill, kabilang ang erosion sa aktibong tipping area, masangsang na amoy mula sa na-expose na basura, at visible crack sa katabing bench waste na posibleng naging sanhi ng pagguho.
Bukod pa rito, kinumpirma ng mga imbestigador ng DENR-EMB na humigit-kumulang 420,000 cubic meters ng basura ang bumagsak at bumaon sa tatlong heavy equipment.
Sa kabila nito, nagpapatuloy ang emergency at remedial activities gaya ng search and retrieval operations, slope stabilization, debris clearing, at paglalagay ng engineering controls upang maiwasan ang muling pagguho ng landfill.
Inabisuhan din ng kagawaran ang Green Leap na ilipat ang active tipping area sa ibang bahagi ng sanitary landfill mula sa Phase 5 upang maipagpatuloy ang operasyon habang tinitiyak ang kaligtasan ng publiko.
Pinagsusumite rin ng DENR ang kumpanya ng detalyadong ulat sa loob ng limang araw na ipiprisinta sa Technical Conference ngayong araw, February 25.
Binigyang-diin ni DENR CALABARZON Regional Executive Director Nilo Tamoria ang insidente at kinondena ang aniya’y kapabayaan na naglalagay sa kalikasan at publiko sa panganib.










