Kinumpirma ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na hindi sila nag-isyu ng Environmental Compliance Certificate (ECC) para sa reclamation ng isang bahagi ng Marikina River.
Ayon kay Environment Secretary Roy Cimatu, wala dapat ginagawang reclamation.
Aniya, kahit mag-request pa ang kumpanya ng ECC ay malabo itong ibigay ng ahensya dahil sa encroachment violation.
Nagsagawa ang DENR ng evaluation sa pagbabago sa lapad ng Marikina River para malaman kung ito ay bunga ng natural causes o reclamation activities.
Sa datos ng National Mapping and Resource Information Authority, napansin na ang lapad ng ilog ay nabawasan ng 30 metro sa loob lamang ng tatlong dekada.
Mula sa 90 meters noong 1982, ang lapad na lamang ng Marikina River ay nasa 60 meters mula sa actual survey na isinagawa ngayong taon.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon kung ang mga lote ay may koneksyon sa BF Corporation, na pagmamay-ari ni Marikina Representative Bayani Fernando.
Sinabi ni Cimatu na nagbigay na sila ng abiso sa mga may-ari ng lote para bakantehin ang reclaimed area.
Sa pamamagitan nito, maibabalik sa orihinal na lapad ang ilog para maiwasan ang malawakang pagbaha sa lungsod.