Mas mapapangalagaan at mapoprotektahan na ng publiko ang kalikasan gamit ang kanilang smartphones.
Hinihikayat ng Department of Science and Technology (DOST) na gamitin ang “MASDAN” – isang mobile application na dinevelop ng University of the Philippines (UP).
Ito ay isang virtual platform kung saan pwedeng bantayan ng mga tao ang kalidad ng tubig sa Manila Bay at iba pang lugar sa bansa.
Sa pamamagitan din nito, maaaring magsumbong ang mga netizens ng alinmang environmental issues at concerns.
Para magamit ang app, kailangang magparehistro ang mga users at i-fill out ang user profile form sa app.
Pagkatapos, pwede na silang magsumite ng ma-report ng kahit anong environmental issues o concern, at pwedeng samahan ng litrato bilang ebidensya.
Pwede ring i-pin ng users ang location ng nasabing environmental issue.
Kabilang sa maaaring i-report ng mga users ay algal bloom, fish kill, water pollution, water hyacinth, reclamation, at solid waste.
Kapag naisumite na ito, dadaan ito sa server kung saan direkta na maa-access ng kaukulang national government agencies, state universities and colleges, higher education institutions, local government units, civil service societies at ng publiko.
Pwedeng ma-download ang MASDAN app sa Google Playstore.