
Inatasan ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Raphael Lotilla ang Environmental Management Bureau (EMB) at ang DENR Region 7 na magsagawa ng agarang aksyon kaugnay ng solid waste management sa lalawigan ng Cebu.
Layunin nitong matiyak ang kaligtasan at containment ng landfill sa Barangay Binaliw, Cebu, matapos ang malagim na insidente ng pagguho ng landfill na kumitil sa ilang buhay.
Batay sa direktiba ng kalihim, kabilang sa mga agarang hakbang ang pagsasagawa ng rapid appraisal ng mga kawani ng DENR katuwang ang mga eksperto sa waste management, ang agarang pagpapatuloy ng waste services, masusing technical assessment, at ang pagbuo ng isang pangmatagalang strategic plan para sa solid waste management.
Kaugnay nito, patuloy na nakikipag-ugnayan ang DENR sa mga lokal na pamahalaan at mga national partners. Nagpadala na rin ang ahensya ng mga technical team upang suriin ang lugar, repasuhin ang geotechnical conditions, magsagawa ng operational audit, at tukuyin ang mga kinakailangang corrective measures, kabilang ang pagpapabuti ng disenyo ng pasilidad at pagpapatupad ng mga regulasyon alinsunod sa due process.
Sa ngayon, kabilang sa mga susunod na hakbang ng ahensya ang formal na Rapid Appraisal Request kung saan inatasan ang DENR Region 7 na magsumite ng resource at timeline proposal, compliance plan, at technical conference, gayundin ang patuloy na pagbibigay ng updates sa publiko kaugnay ng insidente.










