Nanindigan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ipursige ang ‘white sand’ beach project sa Manila Bay.
Sa pagdinig ng Senado sa ₱25.55 billion proposed budget ng ahensya para sa 2021, sinabi ni Environment Secretary Roy Cimatu na patuloy ang pagbuhos ng dinurog na dolomite sa 500 metrong haba ng Manila Bay.
Ang white sand beach project ay bahagi ng clean-up at rehabilitation efforts sa Manila Bay.
Pagtitiyak ni Cimatu na hindi ito magdudulot ng panganib sa kalusugan at sa kalikasan.
“They asked us if it is hazardous, I say and we say: No, it is not hazardous,” sabi ni Cimatu.
Sinabi naman ni Environment Undersecretary Jonas Leones na ang dolomite ay nabubuo sa isang marine environment, at hindi ito nakakasira sa ecosystem.
Aniya, ginagamit na ito sa iba pang bahagi ng mundo, bukod pa sa mga malalaking resorts sa Pilipinas.
Pero aminado si Leones na ang pekeng beach sand ay posibleng anurin ng alon.
Pero ipinaliwanag niya na mayroon silang ginagawang engineering interventions para maiwasang tangayin ang mga buhangin ng mga malalakas na alon.
Ang paglalatag ng dolomite sand sa Manila Bay ay naantala dahil nagkaroon ng problema sa kanilang private contractor sa Cebu kung saan sila kumukuha ng buhangin.