DENR, kinastigo nina Senator Villar at Hontiveros sa pagdinig ng Senado

Ikinabwisit ni Committee on Enviroment Chairperson Senator Cynthia Villar ang sinabi ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na mangyayari pa rin ang pagbaha noong manalasa ang Bagyong Ulysses kahit itinigil ang urban development at quarrying sa Marikina watershed at kahit tinaniman ito ng mga 10-taong gulang na puno.

Nairita rin si Villar sa katwiran ng DENR na siyam na Marikina watershed ang kailangan para ma-absorb ang lahat ng ulan na dinala ng Bagyong Ulysses.

Dismayado naman si Senator Risa Hontiveros na parang gustong isakripisyo ng DENR ang watershed para lang sa development projects na pinabulaanan ni Environment Secretary Roy Cimatu.


Pinuna rin ni Senator Hontiveros ang pagkunsinti ng DENR sa land-grabbing activities na hinihinalang dahilan ng malawakang pagbaha kamakailan.

Partikular na kinwestyon ni Hontiveros ang pagbibigay ng permit ng DENR sa mga quarry firms na Rapid City Realty and Development, Co. at Quarry Rock Group, Inc.

Sa Senate hearing ay inihayag naman ng DENR ang pagsuspinde sa operasyon ng 11 kompanya na may quarrying at crushing plant operations sa lalawigan ng Rizal.

Ayon kay Cimatu, mananatiling suspendido ang kanilang permit hanggang hindi natatapos ng DENR ang assessment at imbestigasyon sa matinding pagbaha sa Marikina gayundin sa San Mateo at Rodriguez sa Rizal nang humagupit ang Bagyong Ulysses.

Facebook Comments