DENR, kinumpirmang langis at grasa ang itinapon ng isang barko sa Manila Bay

Mag-iisyu na ng Notice of Violation ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa may-ari ng barko na nagtapon ng langis at grasa sa Manila Bay.

Ito’y matapos lumabas sa pagsusuri ng DENR na kontaminado ng langis at grasa ang water sample na kinuha sa lugar kung saan naka-angkla ang naturang barko.

Ayon kay Environment Undersecretary Jonas Leones, hihingiin muna nila ang panig ng may-ari ng barko bago sila magsasampa ng kaso laban dito.


Una nang sinabi ng oiler ng barko na si Escolastico Bunyi, ilang buwan nang nakatengga ang barko sa lugar dahil nasiraan at kailangang maiayos.

Pero itinanggi niyang may kasamang langis at pinakawalang wastewater sila sa karagatan ng Manila Bay.

Ayon kay Usec. Leones, may langis man o wala, pwede pa ring managot ang may-ari ng barko sa paglabag sa Clean Water Act, na nagbabawal sa paglabas ng kahit anong puwedeng sanhi ng pagdumi ng tubig.

Facebook Comments