Binigyan diin ng advocacy group na Oceana Philippines na maraming batas ang hindi sinunod ng Department of Environment and Natural Resources sa ginawang pagtambak ng dinurog na dolomite rocks sa Baywalk sa Manila Bay.
Sa interview ng RMN Manila kay Oceana Vice President Atty. Gloria Ramos, sinabi nito na hindi nagpatupad ng public consultation ang DENR, bago nila ginawa ang pagtambak ng synthetic white sand sa Manila Bay.
Bukod dito, hindi rin aniya nagpalabas ng resolusyon ang Manila Local Government kung pumapayag o hindi sa plano ng DENR.
Inupakan din ni Ramos ginawang pagkuha sa mga dolomite rocks sa bundok sa Cebu lalo na’t maraming endangered species aniya na naninirahan doon ang maaaring maaapektuhan.
Samantala, sa interview ng RMN Manila kay Cebu Provincial Board Member John Ismael Borgonia, Chairman ng Committee on Environment Conservation and Natural Tesources, binigyan diin nito na hindi ipinagpaalam sa kanila ang nasabing plano.
Ayon kay Borgonia, nalaman na lamang nila ito ng ihayag ni DENR Usec. Benny Antiporda sa media ang ginagawang pagtatambak.
Bunsod nito, pina-iimbestigahan na ng lokal na pamahalaan ng Cebu ang nasabing insidente.