DENR, naglabas ng water bulletin para sa pagtitipid sa tubig ng mga Metro Manila village at condo

Naglabas ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) Water Resources Management Office (WRMO) ng bulletin hinggil sa Water Management sa mga residente sa mga barangay sa Metro Manila at sa mga naninirahan sa mga condominiums upang magtipid sa paggamit ng tubig.

Una nang tinitiyak sa publiko ng DENR-WRMO na mayroong sapat na suplay ng tubig sa Metro Manila na magmumula sa Angat Dam at iba pang pinagmumulan ng tubig na na-activate na.

Ayon sa bulletin ng DENR, ang El Niño ay nagdudulot ng mas mababa kaysa sa average na pag-ulan sa bansa at ang kondisyon ay malamang na magpapatuloy sa Abril at Mayo bago ito bumalik sa neutral na kondisyon sa Hunyo 2024.


Ayon pa sa ahensya, sa sandaling ang mga kondisyon ng tagtuyot ay magpapatuloy sa lanpas ng Mayo at Hunyo, ang mga barangay at condominium property managers ay inaatasang suriin ang mga water meter, sa umaga o sa bandang gabi, kapag walang aktibidad, upang makita ang anumang posibleng pagtagas sa mga daluyan ng tubig.

Dapat ding gawin lamang kapag kinakailangan ang pagdidilig sa mga halaman at sa paglilinis ng mga daan at mga sidewalk.

Hinimok din ng WRMO ang paggamit ng water catchment systems, gaya ng mga drum upang mangolekta at mag-imbak ng tubig na gagamitin para sa paglilinis.

Dapat ding ipagpaliban muna ang pag-aalis at pagpapalit ng tubig mula sa swimming pool.

Facebook Comments