Umaapela si Environment Secretary Maria Antonia Yulo Loyzaga sa mga mambabatas na bigyang prayoridad ang pagpasa ng bagong batas kaugnay sa krimen na wildlife trafficking.
Naglatag si Loyzaga ng sampung punto para baguhin ang Wildlife Law.
Nais ng ahensya na gawing hiwalay na pagkakasala ang pagpaparusa sa krimen na wildlife trafficking.
Kabilang dito ang pagkonsidera sa wildlife crime bilang transnational offense, pagtataas ng multa sa wildlife violations, pagpapalawak ng papel ng ibang ahensiya ng pamahalaaan at lokal na pamahalaan upang magkaroon ng ngipin sa pagpapatupad ng Wildlife Law, at pag-atas sa mga ahensiya ng pamahalaan na pigilan at pamahalaanan ang invasive alien species.
Ayon sa kalihim, ang suporta ng mga mambabatas na baguhin ang RA 9147 ay mahalaga upang maisulong ang mga pagsisikap at inisyatibo na sustenableng mapamahalaan ang wildlife resources.
Dagdag pa nito, ang pagbago sa wildlife law ay naaayon sa sustainable development goals para sa agaran at makabuluhang kilos upang mabawasan ang pagkakasira ng natural habitats at mapigilan ang pagkawala ng biodiversity.
Dagdag ng kalihim, napapanahon na ang hakbang sa panahon ng banta ng COVID-19 pandemic dahil ang illegal wildlife trade ay kabilang sa posibleng pagmulan ng zoonotic diseases transmission.