Isinusulong ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang bagong patok na community pantry inintiative, lalo na sa “treetito” at “treetitas”, at sa mga “plantito” at “plantitas.”
Ang Technical Services Office ng DENR National Capital Region (NCR) ay nagtayo ng “community pan-tree” sa North Avenue, Diliman, Quezon City.
Imbes na pagkain, alok dito ay iba’t ibang saplings o punla gaya ng talong, kamatis, guyabano, chico, at puno ng banaba, at iba pa.
Ang mga interesadong indibiduwal – lalo na ang mga mayroong “green thumb” ay hinihikayat na magparehistro bago kumuha ng mga tree saplings na libre.
Hiling lamang ng DENR sa mga benepisyaryo: “Magtanim ayon sa kakayanin. Umani ayon sa pangangailangan.”
Ang inisyatibong ito ng DENR ay kasabay ng paggunita ng Earth Day.