DENR, nakikipag-ugnayan na sa BOC at DOJ para sa pagsasampa ng kaso sa exporter at consignee na nagpasok sa bansa ng illegal waste shipment galing US

Nakikipag-ugnayan na ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Bureau of Customs (BOC) at sa Department of Justice (DOJ) para sa pagsasampa ng kaso laban sa exporter at consignee ng illegal shipments ng basura na galing ng Estados Unidos.

Ang naturang shipment na kinabibilangan ng 30 container van ay dumating sa Subic nitong kalagitnaan ng Oktobre sa ilalim ng pangalan na VIPA Inc. at naka-consign sa Bataan 2020 Inc., na may business address sa Baesa, Quezon City at ang manifesto ay idineklara na ang cargo ay “American old corrugated cartons”.

Subalit sa inisyal na eksaminasyon sa limang container ng BOC at ng DENR, napag-alaman na mga ipinagbabawal na materyales na iligal na inimport.


Nabatid sa ulat na nitong October 22, ang DENR officials na kinabibilangan ni Undersecretary for Solid Waste Management and Local Government Units Concerns Benny Antiporda at Undersecretary for Special Concerns Edilberto Leonardo ay nagtungo sa Subic para inspeksyunin ang naturang shipment.

Ayon kay Antiporda, ang naturang waste materials na nakita sa container van ay pinaghalong plastic, papel at ilang face masks na labag sa DENR Administrative Order No. 2013-22 o Revised Procedures and Standards for the Management of Hazardous Wastes.

Facebook Comments