DENR, pinuri ang BOC matapos maibalik sa Korea ang last batch ng kanilang basura

Pinapurihan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang Collection District 10 ng Bureau of Custom (BOC) dahil sa matagumpay na pagpapabalik sa South Korea ng may 6,400 metric tons ng pinaghalong basura na natengga sa lalawigan ng Misamis Oriental.

Ayon kay DENR Undersecretary for Solid Waste Management and Local Government Units Concerns Benny Antiporda, dahil sa matagumpay na pagkakabalik ng garbage shipment sa South Korea, nailayo ang mga Filipino sa panganib sa kalusugan at kapaligiran na dulot ng smuggled waste.

Nagpalabas ng pahayag si Antiporda matapos makatanggap ng memo mula kay BOC-10 District Collector John Simon makaraang kumpirmahin na nakumpleto na ang proseso ng pagbabalik sa Korea ng basura nitong nakalipas na Agosto 4.


Iniulat din ni Simon na ang 4.5-hectare area kung saan ang may 5,000 metric tons na Korean garbage ay pansamantalang inilagak ay malinis na ngayon sa smuggle na basura.

Kaugnay nito, binigyan ng komendasyon ni Antiporda si Simon at ang kanyang collection district dahil sa walang pagod na pagtatrabaho para tiyakin na ang naturang basura ay maibalik sa South Korea sa kabila ng mahigpit na quarantine restriction na ipinatutupad dahil sa banta ng COVID-19.

Sa record ng BOC-10, makikita na ang illegal waste import ay matagumpay na naibalik sa South Korea sa six batches simula Enero 2019.

Magugunitang ang naturang garbage shipment ay nadiskubre ng opisina ni Simon sa Mindanao Container Terminal noong 2018.

Ang naturang shipment ay naka-consign sa South Korea company Verde Soko ll Industrial Corp. na nag-o-operate ng waste recycling facility sa may Phividec Industrial Estate sa Tagoloan town.

Facebook Comments