Pinuri ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagtatayo ng sewage at solid waste treatment plant sa El Nido.
Partikular na pinuri ni acting Secretary Jim Sampulna ang lokal na pamahalaan ng Palawan at ang bayan ng El Nido dahil sa pagsisikap ng mga ito na makontrol at mabawasan ang polusyon sa tubig sa itinuturing na Marine Reserve Park sa bansa.
Ang sewage at solid waste treatment plant na ipinatayo sa Barangay Villa Libertad ay may kapasidad na linisin ang 2,400 cubic meters ng waste water kada araw na mas episyente sa ibang STPs sa Palawan.
Kaya rin nitong iproseso ang biodegradable solid waste at putik sa pamamagitan ng anaerobic digestion at nakagagawa rin ito ng kuryente mula sa biogas production.
Ang state-of-the-art facility ay nagkakahalaga ng P490 million na pinagtulungang proyekto ng provincial government ng Palawan at munisipalidad ng El Nido.
Taong 2018 nang ipag-utos ng DENR ang anim na buwang rehabilitasyon ng El Nido matapos matuklasan ang hindi tamang sewage discharge mula sa mga residente at commercial establishments na nakadadagdag sa pagkasira ng water quality ng isla.
Ang pasilidad ay mapakikinabangan ng mga residential at commercial establishments mula sa 18 barangays at munisipalidad sa El Nido.