Plano ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na magtayo ng isang compliant sanitary landfill sa Cavite upang masolusyunan ang problema ng basura na nakakaapekto sa isinasagawang rehabilitasyon ng Manila Bay.
Kasunod ito ng naging pag-uusap nina Secretary Roy Cimatu at Cavite Governor Juanito Victor “Jonvic” Remulla at mga alkalde ng probinsya.
Sa pulong, binanggit ni DENR CALABARZON Regional Executive Director Nilo B. Tamoria ang problema ng basura na humahalo sa anim na pangunahing ilog na dumadaloy sa Manila Bay.
Ito ay ang Imus River, Zapote River, Rio Grande-Ylang-Ylang River, Cañas River, Labac River at Maragondon River.
Ayon kay Remulla, ang solid waste management ang numero unong problema ng Cavite.
Tinatayang ang 50 percent ng solid waste sa Cavite ay napupunta sa mga ilog at aabot ito sa 2,000 tonelada kada araw kung saan ang 90% dito ay napupunta sa Manila Bay.