*Cauayan City, Isabela*- Isinisi ni Cagayan Governor Manuel Mamba na pamumutol ng kahoy ang dahilan ng malawakang pagbaha sa Probinsya ng Cagayan at Isabela sa Rehiyon Dos.
Ito ay batay sa naging pahayag ni Cagayan Gov.Mamba, dahil sa iligal na aktibidad ay hindi na umano napigilan ang naranasang malawakang pagbaha kung saan libo-libong pamilya ang naapektuhan.
Gayunman, itinanggi naman ito ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Regional Director Atty. Antonio Abawag.
Aniya, mga nabunot na puno at mga dead wood ang mga nagsilutangang kahoy na naanod sa kasagsagan ng baha sa Isabela at Cagayan.
Batay aniya ito sa isinagawang assessment ng ahensya kung saan sunod -sunod na bagyo ang tumama sa rehiyon kung kaya lumambot ang lupa na dahilan ng pagguho nito at pagkabunot ng mga puno na kasamang tinangay ng tubig-baha.
Nauna na rin na nagbigay ng direktiba si Abawag sa mga Provincial and Community Environment and Natural Resources Officers na paigtingin pa ang kampanya para sa pangangalaga ng kagubatan at pagpapatupad ng batas laban sa iligal na pagputol ng kahoy sa rehiyon katuwang ang mga otoridad.