DENR Sec. Roy Cimatu, tiniyak na dadaan sa masusing pagsusuri ang lahat ng mining application bago aprubahan

Tiniyak ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu na dadaan pa rin sa masusing pag-aaral ang lahat ng nakabinbing aplikasyon para sa pagmimina upang matiyak na hindi magiging masama ang epekto nito sa kapaligiran.

Kasunod ito ng pagtanggal ni Pangulong Rodrigo Duterte sa 9-year moratorium sa bagong mining operations.

Ayon kay Cimatu, ang lahat ng nakabinbing aplikasyon ay sasailalim sa masusing balidasyon ng Final Exploration Report at ng Mining Feasibility Studies.


Sinabi pa ni Cimatu na naglagay na ang DENR ng karagdagang environmental measures upang matiyak na magkakaroon ng balanse sa pangangalaga sa kapaligiran at ng economic at social concerns ng mining industry.

Nakapag-isyu na ang Mines and Geosciences Bureau (MGB) ng 309 Mineral Production Sharing Agreements (MPSAs) sa buong bansa.

Ang 51 MPSAs na ito ay matatagpuan sa Surigao del Norte, Surigao del Sur, Agusan del Norte, Agusan del Sur at Dinagat Islands sa Caraga.

40 naman sa mga MPSAs na ito ay nasa Zambales (Central Luzon), 36 sa Calabarzon, 32 sa Central Visayas, 26 sa Bicol Region, 19 sa Samar at Leyte (Western Visayas).

Karamihan naman sa 18 MPSAs na na-isyu sa Davao Region ay sa loob at sa paligid ng Diwalwal Mineral Reservation.

Facebook Comments