DENR Secretary Roy Cimatu, inalis na ang kautusan na nagbabawal sa open pit mining; Alyansa Tigil Mina, dismayado

Nilagdaan ngayon ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu ang isang Department Administrative Order (DAO) na nag-aalis sa ban o pagbabawal sa open pit mining sa bansa.

Magugunita na noong 2017, naglabas ng administrative order ang noon ay DENR Secretary na si Gina Lopez na nagbabawal sa open pit mining na sumisira sa kapaligiran.

Sa kaniyang kautusan, sinabi ni Cimatu na hindi lahat ng open pit mining ay lumilikha ng lason sa kapaligiran.


Mayroon na aniyang mga best practices at control strategies para maiwasang lumikha ng panganib at banta sa kapaligiran ang ganitong paraan ng pagmimina.

Ang DAO ay magkakabisa labinlimang araw matapos itong mailathala sa pangunahing pahayagan.

Dismayado naman dito ang grupong Alyansa Tigil Mina na tinawag na pinakamapait na regalo ngayong Pasko ang DAO.

Isa umano itong kaduwagan at pagtalikod lalupa’t nakikita na ang epekto ng climate change tulad ng iniwang pinsala ng Bagyong Odette.

Facebook Comments