Sumugod sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga nakaligtas sa baha sa Rizal at ilang maka-kalikasang grupo.
Ito ay upang igiit ang agarang pagkansela ng lahat ng permit sa pagmimina at pag-quarry sa lalawigan ng Rizal.
Binatikos ng Kalikasan People’s Network for the Environment ang umano ay pagtatangka ng DENR na ilayo ang pananagutan ng mga quarry firms sa epekto ng quarrying operations sa mga naranasang pagbaha dulot ng Bagyong Enteng at Habagat.
Ayon sa grupo, parehong may pananagutan ang DENR at ang mga mining companies sa dahilan ng pagguho ng lupa na dulot ng matinding pagbaha sa lalawigan ng Rizal.
Dagdag pa nila, nagbigay ang Mines and Geosciences Bureau (MGB) ng permit para sa 19 na malalaking proyekto sa pag-quarry na sumasaklaw sa 3,623 ektarya sa Rizal.
Mahigit umano sa 10,000 ektarya ng forest cover sa Rizal ang nawala sa quarrying at land conversion nitong nakaraang dekada lamang.