Nanindigan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na wala silang nilalabag sa ginagawang ‘beach nourishment’ at ang paglalagay ng crushed dolomite boulders sa Manila Bay.
Sa budget hearing ng ahensya, ipinaliwanag ni Environment Sec. Roy Cimatu na mismong ang Korte Suprema ang naglabas ng mandamus noong December 2008 kung saan inaatasan ang gobyerno na i-restore, i-rehabilitate at i-maintain ang Manila Bay.
Sinabi pa ni Cimatu na hindi pa naman siya nakakarinig na may nagreklamo sa Mactan, Cebu na naglagay rin ng dolomite sand sa kanilang mga beaches at resorts.
Sakali mang may maghain ng reklamo, tiniyak ni Environment Usec. Jonas Leones na nakahanda silang sagutin at depensahan ang kanilang ginagawang proyekto sa Manila Bay, bukod pa sa karapatan din naman ng mga grupo na maghain ng kaso kung may nakikita mang pagkakamali.
Kung may bumabatikos sa paglalagay ng dolomite sand sa Manila Bay, nakakuha naman ng suporta ang DENR sa mga kongresista.
Ayon kay Deputy Speaker LRay Villafuerte, ligtas ang inilagay na dolomite sand dahil ito rin ang buhangin na ginagamit sa mga gulf course.
Kumbinsido rin si Cavite Rep. Elpidio Barzaga na wala pa siyang nakikitang ‘valid objection’ para harangin ang Manila Bay project.
Samantala, tumaas lamang ng bahagya o 0.23% ang proposed 2021 budget ng DENR na nasa ₱25.55 billion na hindi naman nalalayo sa ₱25.495 billion ngayong 2020.