DENR, umaksyon na rin kaugnay ng umano’y bentahan ng mga ancestral domain ng mga katutubo

Nakialam na rin ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa napabalitang bentahan ng ancestral domain ng mga katutubo.

Sinabi ni DENR Undersecretary for Policy, Planning, and International Affairs Jonas Leones na ang Certificate of Ancestral Domain Title holders ay hindi maaaring magbenta ng ancestral land sa private entities at “non-tribe members” dahil mawawalan ng saysay ang layon na protektahan ang kanilang karapatan at kultura.

Nagkaroon na ng pag-uusap ang DENR at National Commission on Indigenous People para ayusin ang policy direction sa mga ancestral domain claims.


Partikular dito ang mga komplikasyon sa implementasyon ng mga probisyon sa Republic Act (RA) 7586 o ang National Integrated Protected Areas System (NIPAS) of 1992 at RA 8371 o ang Indigenous People’s Rights Act (IPRA) of 1997.

Kasunod naman ito ng gusot sa ancestral domain claims sa mga protected areas tulad ng Upper Marikina River Basin Protected Landscape.

Sa ngayon ay nagsisikap ang gobyerno tungkol sa conservation at protection ng 244 protected areas ng bansa.

Sa kasalukuyan ay pinalalakas ng DENR ang “conservation efforts” sa protected area bilang bahagi ng mga isinasagawang rehabilitasyon ng Task Force Build Back Better.

Facebook Comments