Kumilos agad ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) upang mabawasan ang epekto ng oil spill incident sa bayan ng Jasaan, sa probinsiya ng Misamis Oriental.
Ang naganap na oil spill ay resulta ng paglubog ng cargo vessel na MV Racal IV na nakadaong sa shipyard ng Jasaan nang may limang taon na.
Ayon kay DENR Secretary Roy Cimatu, ang DENR-Environmental Management Bureau (EMB) sa Region 10 ay nakikipagtulungan na sa lokal na pamahalaan ng Jasaan at sa Philippine Coast Guard (PCG) upang mapigilan ang kontaminasyon sa coastal communities.
Lumilitaw na tatlong toneladang bunker oil ang nakapag-kontamina sa one square kilometer portion ng baybayin na nakaaapekto sa mga barangay ng Lower Jasaan, Upper Jasaan, Luz Banzon, Kimaya at Solano.
Mabahong amoy na rin ang nagmumula sa oil spill particular na sa baybayin ng Barangay Luz Banzon na siyang labis na naapektuhan ng insidente.
May mga naipong oil debris na rin sa mangrove trees at mga nakadaong na barko na siya ring nakakaapekto sa kabuhayan ng mga mangingisda na naninirahan sa mga apektadong barangay.
Isang rehistradong transport, storage at disposal facility ang rumesponde upang tanggalin at hakutin ang mga nakolektang langis at oil-contaminated materials.
Batay sa report ng EMB-Region 10, nasa 80% na ng tumapong langis ang natanggal.