Hinimok ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga kandidato na iwasan ang pagkakabit ng mga campaign material sa mga punong kahoy.
Ang hakbang ay ginawa ni DENR Officer-In-Charge (OIC) Jim Sampulna dahil kadalasan tuwing sasapit ang halalan ay karaniwang nasusumpungan ang pagkakabit ng poster sa mga punong kahoy.
Ayon kay Sampulna, may ilang mga pulitiko lalo na sa mga probinsya ang nagpapako ng kanilang mga poster at mga tarpaulin sa mga buhay na punong kahoy.
Aniya, malaki ang epekto sa buhay ng puno o halaman ang pagpapako ng mga poster o tarpaulin dahil maaaring masira ang balat nito o ikamatay lalo na ‘yung maliliit pa ang katawan.
Umapela rin ito sa mga botante na dapat kilatisin ang mga kandidatong may malasakit at puso sa kalikasan o ‘yung pro-environment base sa kanilang plataporma at huwag iboto ang hindi makakalikasan.
Nangako rin ang DENR OIC na kaniyang ipagpapatuloy ang nasimulang programa ni dating Secretary Roy Cimatu kabilang ang pagpapaganda sa Manila Bay, Dolomite Beach at ang rehabilitation program sa Boracay.