DENR Usec. Benny Antiporda, nag-sorry sa UP kasunod ng “bayaran” remark nito sa Marine Science Institute

Humingi ng paumanhin si Department of Environment and Natural Resources (DENR) Undersecretary Benny Antiporda sa University of the Philippines (UP) kasunod ng “bayaran” remark nito laban sa Marine Science Institute (MSI).

Ang patutsada ni Antiporda ay kasunod ng pahayag ng MSI na hindi solusyon ang dolomite sa problema sa Manila Bay at beautification lamang ito na pansamantala lang at magastos.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Antiporda na nadala lamang siya ng kanyang emosyon.


Aniya, hindi niya intensyon na sirain ang pangalan ng buong unibersidad sa halip, ang mensahe ay para iparating sa MSI na katuwang sila ng gobyerno.

Ayon kay Antiporda, bukas siya isang dayalogo sa mga opisyal ng MSI.

“I would like to apologize for UP as a whole kasi parang lumalabas na buong UP ang aking binatikos which is mali po. What I am trying to say only is MSI, ‘yong Marine Science Institute where in, hindi ho namin sinasabing bawal bumatikos. Ang sinasabi po namin dito, ang pinaghuhugutan po namin, eh partner po kami. Napakarami pong magagaling na tao d’yan, napakarami rin pong nagseserbisyo-publiko d’yan na walang bayad. Kung kaya’t mali po ang aking naging pahayag na bayaran lahat, no, hindi po lahat, wala po akong sinabing ganon,” ang paliwanag ni Antiporda.

Sa kabila nito, nanindigan si Antiporda na hindi lamang beautification ang pagtatambak ng dolomite sa Manila Bay.

Facebook Comments