Cauayan City, Isabela- Dalawang (2) panibagong positibong kaso ng COVID-19 ang muling naitala sa Lungsod ng Cauayan.
Sa datos mula sa Department of Health (DOH) Region 2, ang dalawang tinamaan ng COVID-19 ay sina CV9776, babae, 63 taong gulang, may asawa, residente ng Barangay District 1 at si CV9797, lalaki, 59 taong gulang, may asawa at residente ng Barangay San Fermin.
Si CV9776 ay may history of travel sa lungsod ng Manila at napag-alamang na-exposed ito sa kaniyang asawa na nagpositibo sa Manila.
Siya ay nakaranas ng sintomas gaya ng pagkawala ng panlasa at pang-amoy, at pagkawala ng gana sa pagkain.
Agad naman niya itong ini-report kaya’t siya ay nakuhanan ng sample at lumabas na siya ay positibo sa Covid-19. Siya ngayon ay naka-admit sa isang hospital isolation facility.
Ang pangalawang positibo na si CV9797 ay nahawaan ng nagpositibong kaibigan na si CV8961.
Siya ay asymptomatic o hindi nakaranas ng anumang sintomas ng COVID-19.
Agad naman itong nagstrict home quarantine matapos magpositibo ang kaniyang kaibigan at patuloy na tinatapos ang kaniyang mandatory quarantine.
Sa kasalukuyan, nasa 48 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa Lungsod ng Cauayan.