Matinding sermon mula kay Senator Cynthia Villar ang inani ng Department of Agriculture (DA) kaugnay sa duplikasyon ng dalawang rice program nito na parehong namamahagi ng binhi ng palay, may training at may bigayan ng farm equipment.
Ang tinutukoy ni Villar ay ang National Rice Program at ang Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF na nasa ilalim ng Rice Tariffication Law.
Ginawa ito ni Villar sa pagtalakay ng Senado sa ₱56.8 billion na proposed 2021 budget para sa DA.
Ginisa rin ni Villar ang pagbibigay ng DA ng hybrid seeds sa rice-producing towns na binibigyan na ng Philippine Rice Research Institute ng inbred rice seeds.
Ikinadismaya pa ni Villar ang kabiguan ng DA na magbigay ng listahan ng mga bayan na binigyan ng binhi ng palay, farm equipment at mga nabigyan ng training.
Ayon kay Villar, kakailanganin niya ang listahan para madouble check kung totoong nakinabang ang mga benepisaryo ng nabangit na mga programa at kung nagkakadoble-doble na ba.
Samantala, sa budget hearing ay iginiit naman ni Villar kay Agriculture Secretary William Dar na dagdagan ang pondong pang-ayuda sa mga mahihirap na magsasaka sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2.
Kinuwestyon ni Villar na sa ₱24 billion na nakalaan sa DA sa ilalim ng Bayanihan 2 ay para sa mga naghihikahos na magsasaka ay binawasan pa ng ₱1 bilyon para sa research, construction ng center for animal transboundary diseases at upgrading ng crop protection centers.