Department of Agriculture, nanawagan sa mga nagbebenta na maging makatarungan sa pagpapataw ng presyo ng pork products

Nanawagan ang Department of Agriculture sa mga traders at wholesalers ng mga produktong karne na huwag masyadong taasan ang presyo ng kanilang ibinebenta sa mga pamilihan.

Ito ay sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga karneng baboy at manok dahil sa kakulangan ng supply sa bansa.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Agriculture Assistant Secretary Noel Reyes na hindi pa naman masyadong mataas ang farmgate prices at dapat magpataw sila ng presyong makatarungan sa mga mamimili.


Kasunod nito, ikinokonsidera na rin ng ahensiya na magpatupad ng price freeze sa mga produktong karne pero kinakailangan aniyang mapirmahan muna ito ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa ngayon, kumokonsulta na sila para sa susunding presyo pero dapat daw ay hindi ito lalampas ng ₱380.

Una rito, sinabi ng grupo ng mga magsasaka na nahaharap ngayon sa krisis ang bansa dahil sa kakulangan ng supply ng pagkain.

Ipinunto ni Nicanor Briones, Pangulo ng Agricultural Sector Alliance of the Philippines na hindi sapat ang ginawa ng pamahalaan para makontrol ang pagkalat ng African Swine Fever.

Sakali aniyang hindi agad makabawi sa pagkalugi ang mga hog raisers ay posibleng mas tumaas pa ang presyo ng mga ibinebentang baboy sa merkado.

Facebook Comments