Sinisilip ng Department of Agriculture (DA) ang pagtatayo ng karagdagang trading centers para matulungan ang mga magsasaka na ibenta ang kanilang mga produkto.
Sa virtual briefing, sinabi ni Agriculture Assistant Secretary Kristine Evangelista, ipinag-utos na ni Agriculture Secretary William Dar na maghanap ng iba pang trading post, bukod sa Nueva Vizcaya Agricultural Terminal, Benguet Agri-Pinoy Trading Center (BAPTC), at Food Terminal Inc. (FTI).
Sinabi ni Evangelista, na mahalaga ang papel ng mga ‘bagsakan’ kung saan nagtatagpo ang producers at buyers.
Aniya, kapag maraming ‘bagsakan’ centers, malaki rin ang oportunidad ng mga magsasaka para maibenta nila ang kanilang mga produkto.
Bahagi ito ng pangmatagalang solusyon ng DA para matugunan ang oversupply ng agricultural products.
Hinihikayat din ng DA ang magkaroon ng private partnerships para sa E-Kadiwa para marami pang matulungang farm producers at consumers.
Ang bagong platapormang ito ay isang bagong estratehiya para sa pagbibigay ng madali at ligtas na paraan para sa mga magsasaka, mangingisda at iba pang ‘agripreneurs’ na ibenta ang kanilang produkto.