Nagsimula nang gumulong ang distribusyon ng Department of Agriculture (DA) ng P500 milyong halaga ng fuel discount cards para sa mga kwalipikadong magsasaka at mangingisda sa Subic Port sa Zambales.
Pinangunahan ni Agriculture Secretary William Dar ang pamamahagi sa fuel discount card sa mga magsasaka at mangingisda kahapon.
Ang Fuel Discount for Farmers and Fisherfolks Program ng DA ay may layong ayudahan ang mga magsasaka at mangingisda na lubhang naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Sa nasabing programa, target ng DA na mabigyan ng P3,000 fuel discount cards ang mahigit 150,000 magsasaka at mangingisda sa buong bansa.
Nilinaw naman ni Secretary Dar na hindi kasama sa nasabing programa ang rice farmers dahil makatatanggap na sila ng P5,000 sa ilalim ng Rice Farmers Financial Assistance Program ng ahensya.
Samantala, inanunsyo ni Secretary Dar na sinimulan na rin ang implementasyon ng ‘Plant, Plant, Plant’ Program Part 2 ng DA upang maibsan ang epekto ng global crisis at mapalakas ang food production sa bansa.