Department of Energy, inihayag ang ilang dahilan ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo

Inilatag ng Department of Energy, Oil Industry Management Bureau ang ilang pangunahing dahilan sa pagtaas ng presyo ngayong araw sa mga produktong petrolyo.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Director Rodela Romero ng Oil Industry Management Bureau na dahil ito sa paggalaw sa presyo ng langis sa pandaigdigang pangkalakalan.

Nakaapekto kasi aniya sa galaw ng presyuhan sa international market ang announcement kamakailan ng OPEC o Organization of the Petroleum Exporting Countries na magbabawas sila ng produksyon pagsapit ng Nobyembre.


Ayon kay Romero, Nobyembre pa ang schedule ng production cut ng OPEC ngunit agad aniyang nagkaroon ng espekulasyon ang merkado kaya nagtaas na rin agad ng presyo nitong nakaraang linggo.

Bukod dito, sinabi ni Romero na dumagdag pa sa dahilan ay ang pag-build up ng imbentaryo ng Amerika sa kanilang krudo.

Ang mga ito aniya ang mga dahilan kung bakit may pagtaas ngayong araw sa presyo ng Gasoline, Diesel at Kerosene.

Facebook Comments