Department of Finance, nilinaw na hindi lang sa COVID-19 response ginastos ang 9.5 trillion pesos na inutang ng Pilipinas

Binigyan diin ngayon ng Department of Finance na hindi lang sa COVID-19 response inilaan ang 9.5 trillion pesos na inutang ng Pilipinas.
Ito ang paglilinaw ng DOF kasunod ng pagkwestyon ng ilang mambabatas kung bakit lumobo sa 9.5 trillion pesos ang halaga ng utang ng Pilipinas na lagpas sa kinakailangan ng bansa.

Sa interview ng RMN Manila kay DOF Asec. Tony Lambino, ang nasabing halaga ay pinagsamang domestic at foreign debt kung saan nasa 400 billion pesos lang ang inilaan ng Duterte Administration para sa COVID-19 response.

Ang iba aniya ay inilaan para sa iba’t-ibang proyekto at programa ng pamahalaan.
Giit ni Lambino, bilang isang developing country, mas malaki talaga ang nagagastos ng Pilipinas.


Pero sa kabila nito, bumababa aniya ang interest rate habang tumataas ang credit rating na nakukuha ng bansa kung saan ang mas magbe-benisyo rito ay ang taongbayan.

Sa 9.5 trillion pesos na outstanding debt, P6.2-trilyon ang mula sa domestic investors, habang P300-bilyon naman ay mula sa short term credit sa Bangko Sentral ng Pilipinas, at P2.9-trilyon naman ng mula sa mga foreign lenders.

Kasabay nito, tiniyak ni Lambino ang publiko na transparent ang Duterte administration sa paggasta ng pondo ng pamahalaan kung saan naka-post aniya ang mga ito sa website ng DOF.

Facebook Comments