Department of Finance, pinuri ang BIR matapos mahigitan ang target na collection sa kabila ng COVID-19 pandemic

Pinuri ni Finance Sec. Carlos Dominguez ang mga inisyatiba na ipinatupad ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Caesar Dulay dahil nahigitan pa ng ahensya ang target collection nito sa kabila ng nagpapatuloy na COVID-19 pandemic.

Ayon kay Dominguez, dahil sa digitalization program na ipinatupad ni Dulay bago pa ang pandemya, hindi naapektuhan ng mga ipinatupad na lockdown ang operasyon at koleksyon ng BIR.

Para sa taong 2020, ang target ng BIR ay makakolekta ng 1.6 trilyong buwis pero nahigitan nila ito at nakakolekta ng mahigit 1.96 trilyon.


Mula Enero hanggang Hunyo naman ngayong taon, nasa 101.6% ng kanilang tax goal ang nakolekta na ng BIR.

Maliban kay Dominguez, umani rin ng papuri si Dulay mula sa hanay ng mga nasa pribadong sektor.

Ayon kay San Miguel Corporation President and CEO Ramon Ang, ang dekalibreng serbisyo ng BIR ang dahilan ng record breaking tax collection nito.

Pinuri naman ni Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII) President Henry Lim Bon Libong ang mga programa ng BIR sa pangunguna ni Dulay kaya naman sa kabila ng pandemya ay nahigitan pa nila ang kanilang target na makolektang buwis.

Sinisiguro naman ni Dulay na sa gitna ng pandemya, magpapatuloy pa rin ang magandang serbisyo ng BIR.

Facebook Comments