Department of Health, muling nagbabala sa publiko hinggil sa paggamit ng hydroxychloroquine bilang gamot sa COVID-19

Muling nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko hinggil sa paggamit ng hydroxychloroquine para sa mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19.

Ayon sa DOH, hindi inirerekomenda ang chloroquine at hydroxychloroquine para sa mga pasyente na mayroong probable o confirmed COVID-19 pneumonia.

Maging ang paggamit nito sa mga outpatients na may mga sintomas ng Coronavirus ay hindi din inirerekomenda ng DOH.


Nabatid na ang dalawang nabanggit na gamot ay kilalang ginagamit bilang lunas laban sa malarya.

Base din sa Food and Drug Administration o FDA, may mga safety issues ang chloroquine at hydroxychloroquine tulad ng pagkakaroon ng problema sa pagtibok ng puso, pagkakaroon ng disorder sa dugo gayundin sa paghinga, sakit sa bato at sa atay

Iginiit pa ng DOH na ang pinaka-epektibo pa ring panlaban sa COVID-19 ay ang palagiang paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng face mask, at pagsunod sa itinatakdang physical distancing.

Hindi din sumasang-ayon ang DOH sa mungkahi ni dating Health Secretary Jaime Galvez-Tan na gamitin ang hydroxychloroquine bilang gamot para mapigilan ang COVID-19.

Napag-alaman naman na ang hydroxychloroquine ay isa sa ginagamit ng World Health Organization o WHO sa clinical trial kung saan isa ang pilipinas sa mga participant nito.

Facebook Comments