Umapela ang Department of Health (DOH) sa mga healthcare worker na pag-usapan muna ang nakatakdang mass resignation ng mga ito dahil sa pagod at dami ng mga pasyenteng nagpopositibo sa COVID-19.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, magkakaroon kasi ito ng malaking epekto sa ating healthcare system lalo na’t kasalukuyang tayong humaharap sa panibagong surge ng mga kaso.
Napag-alaman na ilang mga healthcare worker sa mga pribadong ospital ang nagbabalak na magsagawa ng “medical lockdown” dahil sa mababang sweldo at kakulangan ng mga natatanggap na benepisyo.
Giit ni Vergeire, nakahanda silang makinig at makipag-ugnayan upang matulungan ang mga frontliners habang una nang nanawagan si Labor Secretary Silvestre Bello III sa pamunuan ng mga ospital na taasan ang mga sahod ng kanilang mga empleyado.